Agarang nagbigay tulong si Senador Sonny Angara sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Paeng, particular na sa mga probinsiya ng Zamboanga, Cotabato, Aklan, Maguindanao at Capiz.
Pinangunahan ng mga staff ng opisina ni Sen. Angara ang pamamahagi ng mga food packs at iba pang relief goods para sa ilang bayan ng mga nabanggit na probinsiya.
“Nakipagugnayan kami sa mayor ng mga bayan upang malaman ang sitwasyon sa lugar nila at kung ano ang kailangan nilang tulong. Talagang napakalawak ang pinsalang dulot ng Bagyong Paeng sa mga apektadong lalawigan at alam natin na malaki din ang kakailanganin upang maihatid ang tulong sa ating mga kababayan,” ani Angara.
“Ang dasal natin ay maagang makabangon ang mga lalawigan at bayan na sinalanta ng Bagyong Paeng at mabalik sa normal ang buhay ng mga apektadong pamilya. Sa tuwing may sakuna ay dapat magtulungan tayong lahat,” dagdag ni Angara
Sa Zamboanga City ay naghatid ng mahigit 2,000 na food packs at bottled water ang tanggapan ni Angara para sa mga bayan ng Sta. Maria, Pasonanca at Tumaga.
Kabilang si Zamboanga City Mayor John Dalipe sa pamamahagi ng relief goods sa mga apektadong pamilya na karamihan ay nasa mga evacuation centers pa dahil nasira ng bagyo ang kanilang mga tahanan.
Sa Capiz ay naghatid ang tanggapan ni Sen. Angara ng 1,000 relief packs at mga galon ng tubig sa bayan ng Sigma. Nagpasalamat si Mayor Dante Eslabon at sinabi na si Sen. Angara ang unang naghatid ng tulong sa kanilang bayan.
Mahigit 2,000 na food packs din ang binahagi sa mga barangay ng Dinaig Proper, Awang, at Kusiong sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao. Tulad din ng mga karamihan ng mga tinamaan ng bagyo, ang mga residente ng mga apektadong bayan ay pansamantalang nasa mga evacuation centers dahil sa pinsalang dulot ng malakas na hangin at ulan sa kanilang mga tahanan.
Sa Cotabato City ay namahagi ang tanggapan ni Sen. Angara ng tinatayang nasa P600,000 na halaga ng food packs na ayon kay Mayor Bruce Matabalao ay “single largest donation na natanggap ng Cotabato City government.”
Ilang bayan naman ng Aklan ang sinuyod ng tanggapan ni Sen. Angara para mamahagi ng mahigit 2,000 na food packs para sa mga pamilyang nasa mga evacuation centers. Kabilang sa mga bayan na pinuntahan ay ang Numancia City kasama si Mayor Jeserel Templonuevo; Balete City kasama si Mayor Dexter Calizo; Madalag City kasama ang kinatawan ng DSWD sa bayan na si Annie Sioco; at ang Libacao City kasama si Mayor Charito Navarosa at Vice Mayor Vincent Navarosa.
Ang Libacao City ang nakaranas ng malaking pinsala dala ng mga landslide at baha mula sa Mt. Dalagsaan.