MULING nanawagan si Senador Sonny Angara sa publiko, partikular sa mga ‘di pa nakapagpapabakuna na magpabakuna na kontra COVID upang mapangalagaan ang sarili laban sa virus.
Ito ang pahayag ng senador sa gitna ng muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID sa bansa nitong mga nakaraang araw.
Kaugnay ang panawagang ito ni Angara sa pahayag ng Department of Health (DOH) na 85 porsyento ng mga pasyenteng may malalang COVID sa mga pagamutan ay pawang mga hindi pa bakunado.
“Nakaaalarma ang panibagong pag-angat ng mga kaso ng COVID sa bansa. Ayon sa mga eksperto, ang bagong COVID variant na Omicron ay mas nakakahawa kaya mas mainam na ang lahat ay magkaroon ng proteksyon sa pamamagitan ng pagbakuna kontra sa COVID-19,” anang senador.
“Sapat naman ang supply ng bakuna sa bansa ngayon at ito ay ibibigay na libre ng ating pamahalaan. Malinaw din ang datos na nagpapatunay na mas ligtas ang taong bakunado kesa sa hindi kaya wala talagang dahilan para hindi pa sumailalim sa pagpapabakuna,” dagdag pa ni Angara.
Binigyang-diin ni Angara na nagsilbing sponsor sa Senado ng Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, na hindi kailangang magpabaya ang mga kinauukulan, partikular ang DOH at ang mga local government unit sa paghihikayat sa taumbayan na magpabakuna. Kailangan ding maipabatid nila sa publiko ang lahat ng benepisyo ng COVID vaccines at himukin din ang mga ito na huwag magpaniwala sa fake news patungkol sa bakuna kontra COVID.
Nanawagan din ang senador sa mga magulang ng mga kabataang may edad 12-17 na hikayatin ang kani-kanilang mga anak na magpabakuna upang maprotektahan din ang mga ito laban sa virus.
Mababatid na pinahintulutan na rin ng Food and Drug Administration o FDA ang paggamit ng Pfizer BioNTech para sa mga batang may gulang na lima hanggang 11 at posibleng magsimula ang rollout sa nalalapit na mga araw.
“Ang layunin natin dito, mabakunahan, kung hindi man ang buong populasyong Pinoy ay ang mas nakararami. Malaking halaga ang ibinuhos ng gobyerno para mapunan ang suplay ng bakuna kaya sana naman, samantalahin natin ang libreng bakuna para lahat tayo, mapangalagaan laban sa malubhang COVID,” saad pa ni Angara.
Sa kabila nito, pinaalalahan pa rin ng senador ang mga bakunado na hindi dapat maging kampante.
Aniya, nararapat pa ring sundin nila ang lahat ng health protocols, patuloy na pag-ingatan ang sarili tulad ng palagiang pagsusuot ng face mask kung lalabas ng bahay.
“Kahit nabakunahan na tayo ay kailangan pa din sundin ang mga health protocols kabilang na ang pagsuot ng face mask. Maging responsable tayo sa lahat ng ating mga ginagawa para masigurong hindi tayo mahahawa at hindi makahahawa. Magpabakuna na po tayo,” ayon kay Angara. ###