LIBRENG COVID TEST PARA SA JOB APPLICANTS, ISINUSULONG NI ANGARA

Posted on: Fri, 06/11/2021 - 08:59 By: admin
LIBRENG COVID TEST PARA SA JOB APPLICANTS, ISINUSULONG NI ANGARA

Hirap na nga sa buhay, pagagastusin pa sa pagpapa-swab?

 
Pagkain nga, walang maipangbili, pangbayad pa kaya sa pagpapa-swab?
 
Ito ang  tahasang pahayag ngayon ni Senador Sonny Angara kaugnay sa hirap na kinakaharap ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho na kailangang tumalima sa mga requirement na hinihingi sa kanila ng potential employers. Partikular na kailangang maisumite umano ng job applicants base sa job application requirements ay ang kani-kanilang negatibong resulta sa COVID test.
 
“Parang kailangang mamili ang mga jobless breadwinners natin sa pagitan ng isang sako ng bigas at ang RT-PCR test. Sa kasalukuyan, ang nasal swab ay nagkakahalaga nang mula P3,500 hanggang 5,500. Saan nila kukunin ‘yan, kung ni pambili nga ng bigas, wala sila?” anang senador.
 
Ani Angara, kung susumain ang lahat ng magagastos ng isang indibiduwal na sasailalim sa RT-PCR test, kasama na ang gastusin nito patungo sa testing site, ay kasinghalaga na ng kalahating buwang sweldo ng isang minimum wage earner.
 
Aniya, bagaman may online job applications sa ngayon, kinakailangan pa rin ng face-to-face interviews bilang bahagi ng hiring process. At bago magtungo sa kumpanya ang aplikante para sa kanyang interview, kinakailangang bitbit nito ang kanyang negative RT-PCR test na magsisilbi niyang gate pass.
 
“Kung luluwas ka sa isang lungsod, minsan kailangan yang negative result as gate pass. Kahit na sabihin na online ang application, kadalasan may face-to-face interview na kasunod, o kaya actual demonstration ng skills,” ani Angara.
 
Sinabi pa ng senador na sa kabila ng pahayag ng gobyerno na hindi requirement ang COVID-19 testing sa job application, marami pa ring employers ang lumalabag dito at nagsasabing isa ito sa mga kinakailangang requirement bago isailalim sa kanilang empleyo ang sinumang aplikante.
 
Dahil dito, isang panukalang batas ang isinusulong ngayon ng senador na naglalayong bigyan ng libreng COVID-19 test ang mga naghahanap ng trabaho. Tinawag niya itong “a needed employment stimulus.”
 
Binigyang-diin sa panukalang ito ng senador na babalikatin ng PhilHealth ang lahat ng gastusin ng job applicants para sa COVID test, at sasailalim pa rin sa superbisyon ng DOH habang nasa national emergency ang bansa kaugnay ng pandemya.
 
Sa paliwanag ni Angara, sinabi niya na ang mga sumusunod ang maaaring makakuha ng libreng COVID test:
 
•    Mga kabataang naghahanap ng trabaho sa kauna-unahang pagkakataon;
 
•    Unemployed individuals na masugid na naghahanap ng trabaho; at
 
•    Mga empleyadong nawalan ng trabaho o permanenteng natanggal sa trabaho, kasama na ang mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya ng COVID.
 
Nakasaad pa rin sa panukala na inaatasan ang mga COVID-19 testing centers na maglaan ng oras at araw para sa jobseekers, base sa nilalaman ng panukalang batas. Ang magagastos ng mga ito ay babayaran ng PhilHealth, base sa itinakdang presyo ng COVID test.
 
Malaking kapakinabangan ito aniya, para sa mga aplikanteng katatapos lamang ng kolehiyo at determinadong makapaghanap agad ng trabaho.
 
Mababatid na isa rin si Angara sa mga may-akda ng First Time Job Seekers Assistance Act na naglalayong i-exempt ang mga first time job applicants sa pagbabayad ng iba’t ibang government-issued documents tulad ng NBI clearance, barangay clearance, medical certificate mula sa mga pampublikong ospital, birth and marriage certificates, tax identification number, community tax certificate, multi-purpose ID card at kung anu-ano pa.
 
Base sa nilalaman ng RA 11261, ang mga nabanggit na dokumento ay makukuha na ng first time job seekers nang libre.  ###

Date